Pag-atake sa otel sa Kabul, matinding kinondena ng Tsina

2022-12-14 15:27:19  CMG
Share with:

Matinding kinondena, Disyembre 13, 2022 ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA) ang teroristikong pag-atake sa isang otel sa Kabul, Afghanistan na nagresulta sa pagkasugat ng limang Tsino.

 

Hinimok ng MOFA ang pansamantalang pamahalaan ng Afghanistan, na igarantiya ang kaligtasan ng mga Tsino sa lokalidad.

 

Sa news briefing nang araw ring iyon, ipinahayag ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng MOFA, ang pagkabigla sa insidente.

 

Matatag aniyang tinututulan ng Tsina ang anumang porma ng terorismo at matinding kinokondena ang mga teroristikong pag-atake.

 


Ikinagagalak din aniya ng Tsina sa pagsisikap ng tropang panseguridad ng Afghanistan para iligtas ang mga mamamayang Tsino.

 

Nakakabahala ang nasabing insidente, at lubos na susubaybayan ng Tsina ang kalagayang panseguridad ng Afghanistan, saad ni Wang.

 

Samantala, sinabi niyang suportado ng Tsina ang pagsisikap ng Afghanistan upang bigyang-dagok ang lahat ng paraan ng terorismo at marahas na krimen para pangalagaan ang katatagan at seguridad ng bansa.

 

Ayon naman sa pahayag ng pansamantalang pamahalaan ng Afghanistan, isang sangay ng ISIS sa bansang ito ang umako na ng responsibilidad sa nasabing pag-atake.

 

Tatlo sa mga salarin ang napatay ng mga tropang Afghan, dagdag pa ng pahayag.