Tuluy-tuloy na nakarating sa mga biktima ng Bagyong Odette ang mga relief good mula sa panig Tsino.
Dalawang libo’t limang daang (2,500) supot ng sagip-tulong o food packs mula sa Tsina ang naihatid sa pitong (7) barangay sa Maasin City, Southern Leyte, na apektado ng Bagyong Odette.
Ito ang ipinahayag ngayong umaga, Enero 6, 2022 ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas sa kanyang Facebook account.
Sa kabila ng malakas na ulan, naihatid sa loob ng isang araw ang naturang tulong sa Brgy. Libhu, Brgy. Mantahan, Brgy. Laboon, Brgy. Lonoy, Brgy. Agao, Brgy. Cabadiangan, at Brgy. Basak, noong Disyembre 30, 2021, salaysay ni Huang.
Kasabay nito, 10,000 food packs ang naipadala rin sa mga biktima sa Negros Occidental mula Disyembre 27 hanggang Disyembre 30, 2021, dagdag pa ni Huang.
Higit pa rito, 100,000 donasyong bote ng tubig na mainom para sa mga apektadong mamamayang Pilipino ang ibinigay ng Pasuguan ng Tsina sa Office of Civil Defence (OCD) noong Disyembre 29, 2021.
Matatandaang noong Disyembre 21, 2021, ipinahayag ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas na 20,000 food packs ang inihanda nito para sa mga Pinoy na tinamaan ng Bagyong Odette sa Cebu, Leyte, Negros Occidental, Bohol, Cagayan de Oro City, Surigao City, Negros Oriental, at iba pang mga apektadong lugar.
Ang bawat package ay naglalaman ng 5 kilo ng bigas, 10 de-lata, at 10 pakete ng noodles.
Nang araw ring iyon, nakarating na sa iba’t-ibang danguan ng Pilipinas ang 4.725 milyong kilo ng bigas na kaloob ng pamahalaang Tsino.
Kinabukasan, Disyembre 22, 2021, napagpasiyahan ng pamahalaang Tsino na magkaloob ng USD$1 milyon sa pamahalaang Pilipino bilang pagkatig sa gawaing panaklolo at muling pagtatayo ng mga bahay kaugnay ng pananalasa ng bagyong Odette.
Samantala, sa kanyang naunang mensahe kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas, Disyembre 21, 2021, ipinaabot ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pakikiramay kaugnay ng pananalasa ng bagyong Odette sa bansa.
Nakahanda aniya ang Tsina na damayan at tulungan ang Pilipinas sa abot ng makakaya.
Umaasa si Xi, na malalampasan ng mga apektadong Pilipino ang kalamidad at muling maitatayo ang kani-kanilang mga bahay sa lalong madaling panahon.
Patnugot/Salin: Jade
Pulido: Rhio