Inaprobahan nitong Pebrero 5, 2022, ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang umano’y “America COMPETES Act of 2022.”
Kaugnay nito, ipinahayag Pebrero 7, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na puspos ng kaisipan ng Cold War at zero-sum game ang nilalamang may-kaugnayan sa Tsina ng nasabing panukalang batas.
Sinisiraang-puri ng nasabing akto ang landas ng pag-unlad, mga patakarang panloob at panlabas ng Tsina, ine-enkorahe ang estratehikong pakikipagkompetisyon laban sa Tsina, at nagpahayag ng masamang komentaryo kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa Taiwan, Xinjiang, Hong Kong, at Tibet.
Buong tatag itong tinututulan ng Tsina, saad ni Zhao.
Tinukoy niyang, dapat itakwil ng Amerika ang kaisipan ng Cold War at zero-sum game, tingnan ang pag-unlad ng Tsina at relasyong Sino-Amerikano sa obdyektibong anggulo, at alisin sa akto ang mga negatibong nilalamang may-kaugnayan sa Tsina, upang maiwasan ang pagkapinsala sa relasyon ng Tsina at Amerika at kooperasyon ng dalawang bansa sa mga mahalagang larangan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio