Nagpadala ng mensahe sa isa't-isa Lunes, Pebrero 14, 2022 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Andrés Manuel López Obrador ng Mexico bilang pagbati sa ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Xi na bukod sa mahabang panahon ng pagkakaibigan at pagpapalagayan, kapuwa taglay ng Tsina at Mexico ang sinaunang sibilisasyon at kasaysayan, kaya mahalaga para sa kanya ang ugnayan ng dalawang bansa.
Nakahanda aniya siyang magsikap kasama ni Pangulong Obrador upang samantalahin ang ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Mexico para lalo pang mapalakas ang tradisyonal na pagkakaibigan, mapalalim ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, mapasulong ang komong pag-unlad, at walang humpay na mapayaman ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng kapuwa panig.
Ipinahayag naman ni Pangulong Obrador na nitong 50 taong nakalipas, naitatag ng Mexico at Tsina ang di-natitinag na pagkakaibigan.
Malawakan aniyang isinasagawa ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang gaya ng pulitika, kabuhayan, at edukasyon.
Dagdag pa niya, kasalukuyang nagtutulungan ang Mexico at Tsina upang magkasamang harapin ang mga hamong panrehiyon sa multilateral na lebel, at matatag ang kanyang pananalig na maisusulong pa ang relasyon ng kapuwa bansa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio