Sa kanyang pakikipagtagpo via video link nitong Marso 10, 2022, kay Jean-Yves Le Drian, Ministrong Panlabas ng Pransya, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na nitong Marso 8, 2022, idinaos ang pag-uusap ng mga lider ng Tsina, Pransya, at Alemanya, at nagpalitan sila ng kuru-kuro kaugnay ng krisis ng Ukraine, pagpapasulong ng relasyon ng Tsina at Europa at iba pa.
Ani Wang, dapat magkakasamang isakatuparan ang mahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng 3 bansa.
Sinabi rin niyang umaasa ang Tsina na patuloy na hihimukin at susuportahan ng komunidad ng daigdig ang talastasan ng Rusya at Ukraine, at lilikhain ang kapaligiran para rito.
Samantala, inilahad ni Jean-Yves Le Drian ang paninindigan ng Pransya sa isyu ng Ukraine.
Sabi niyang dapat isakatuparan agad ang tigil-putukan ng dalawang panig para maiwasan ang makataong krisis sa Ukraine. Susuportahan ng Pransya ang pagsisikap para pasulungin ang kapayapaan, at nakahandang patuloy na makipagkooperasyon sa Tsina hinggil dito.
Nagpalitan rin ang dalawang panig ng palagay hinggil sa isyung nuklear ng Iran.
Bukod dito, nagtagpo rin via video link sina Wang Yi at Luigi Di Maio, Ministrong Panlabas ng Italya.
Sa pagtatagpo, sinabi ni Wang na kamakailan, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat igalang ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’t-ibang bansa, sundin ang prinsipyo at diwa ng Karte ng UN, pahalagahan ang makatwirang pagkabalisa ng iba’t-ibang bansa, at suportahan ang lahat ng pagsisikap na makakabuti sa mapayapang paglulutas ng krisis.
Sabi ni Wang na ang naturang pananalita ay paninindigan ng Tsina kaugnay ng Ukraine.
Samantala, ipinahayag ni Luigi Di Maio na umaasa ang Italya na gagampanan ng Tsina ang papel para sa kapayapaan ng daigdig. Sinusubaybayan din ng Italy ang mga mungkahi na iniharap ng Tsina hinggil sa humanitarian issues at nakahandang lalo pang palalakasin ang pakikipagkoordinasyon sa Tsina.
Salin:Sarah
Pulido:Mac