Inihayag Biyernes, Marso 11, 2022 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na talagang nakakabahala ang kalagayan sa Ukraine, at dapat katigan sa abot ng makakaya ang pagdaig ng panig Ruso’t Ukrainian ng kahirapan at pagsasagawa ng talastasan.
Aniya, dapat suportahan at hikayatin ang lahat ng pagsisikap na makakatulong sa mapayapang pagresolba sa krisis.
Inulit niya ang paninindigan ng panig Tsino na dapat igalang ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’t ibang bansa, sundin ang simulain ng Karta ng United Nations (UN), at pahalagahan ang makatwirang pagkabahalang panseguridad ng iba’t ibang bansa.
Aniya, ginagawa ng panig Tsino ang sariling pagtasa batay sa ganitong paninindigan, at nakahandang patingkarin, kasama ng komunidad ng daigdig ang positibong papel para sa pagpapanumbalik ng kapayapaan.
Tinukoy niyang ang kaukulang sangsyon ay magbubunsod ng di-paborableng epekto sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig at iba’t ibang panig.
Nanawagan siyang magtimpi sa pinakamataas na digri, para mapigilan ang paglitaw ng malawakang makataong krisis.
Patuloy na ipagkakaloob ng panig Tsino ang makataong saklolo sa panig Ukrainian, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Mac