Ang Marso 15 kada taon ay World Consumer Rights Day (WCRD) na itinakda ng International Organization of Consumers Unions (IOCU) noong taong 1983.
Layon nitong palawakin ang kaalaman ng pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili, kunin ang impormasyon sa pagpapahalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili sa buong daigdig, pasulungin ang pagtutulungan at pagpapalagayan ng mga organisasyon ng mga mamimili sa pagitan ng iba’t-ibang bansa’t rehiyon, at mas mabuting pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga mamimili sa buong mundo.
May iba’t-ibang tema ng selebrasyon sa araw na ito, at ang tema sa taong ito ay “Fair Digital Finance.” Layunin nitong manawagan sa pandaigdigang kilusan para sa pagpapanatili ng patas ng digital na pananalapi para sa lahat.
Nitong ilang taong nakalipas, mabilis na umuunlad dito sa Tsina ang usapin ng pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili.
Makaraang aprobahan ng Konseho ng Estado ng Tsina noong Disyembre 1984, naitatag ang China Consumers Association (CCA) na naging unang asosasyong Tsino ng nangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili.
Layunin ng CCA na isagawa ang panlipunang superbisyon sa mga produkto at serbisyo, proteksyunan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamimili, bigyang-patnubay ang malawak na masa ng mga mamimili sa makatuwiran at siyentipikong pagkonsumo, at pasulungin ang malusog na pag-unlad ng sosyalistang market economy.
Noong Setyembre 1987, ang CCA ay naging pormal na miyembro ng IOC.
Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng kilusan ng Tsina sa pagprotekta ng karapatan at kapakanan ng mga mamimili, binibigyan ng palaki nang palaking pagpapahalaga ng partido at pamahalaang Tsino ang usaping ito.
Pinagtibay noong Oktubre 31, 1993 sa ika-4 na Sesyon ng Ika-8 Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC) ang “Batas ng Pangangalaga sa Karapatan at Kapakanan ng mga Mamimili.”
Pormal na isinagawa ang nasabing batas noong unang araw ng Enero, 1994 na sumagisag ng pagtahak ng proteksyon ng Tsina sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili sa landas na pambatas.
Noong Marso 15, 2014, pormal namang isinagawa ang bagong susog na “Batas ng Pangangalaga sa Karapatan at Kapakanan ng mga Mamimili” kung saan nakumpleto ang sistemang pamprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili sa 4 na aspektong kinabibilangan ng pagpapalakas ng obligasyon ng mga negosyante, at pagbibigay ng pamantayan sa mga bagong porma ng konsumong tulad ng online.
Bunga nito, nakapasok sa bagong yugtong historikal ang pangangalaga ng Tsina sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili.
Bukod pa riyan, ayon sa opisyal na website ng Consumers International, sa darating na taong 2024, inaasahang lalampas 3.6 bilyon ang bilang ng mga digital banking consumers.
Sa mga umuunlad na bansa, ang proporsiyon ng mga may-ari ng digital banking accounts ay lumaki ng 70% noong taong 2017 mula 57% noong taong 2014.
Ang digital finance ay hindi lamang nakakapagbigay ng mga bagong oportunidad, kundi maging mga bagong hamon na nagdudulot ng di-pantay na resulta sa mga mamimili.
Ang lahat ay pinaaalalahan na maging maingat sa kahit na anong transaksyong gagawin online. Narito ang mga tips na maaaring sundan upang maiwasan maloko o ma-scam.
Una, maingat na piliin ang mga nagbebenta.
*Piliin lamang ang mga online shopping merchants na inyong pinagkakatiwalaan.
*Tiyakin ang address at numero ng telepono ng mga online sellers bago bumili.
*Pag-aralan ang return polices ng mga nagbebenta upang maiwasan ang problema sa pagsasauli ng mga produkto.
Ikalawa, gamitin ang ligtas at mahirap mahulaan na password
* Huwag gamitin ang magkaparehong password sa online shopping websites na ginagamit ninyo para sa paglog-in sa inyong bangko, o kompyuter sa bahay o opisina.
* Gumamit ng 8 karakter na may halong numero, espesyal na karakter at malaki at maliit na titik sa inyong password. Huwag ibigay ang inyong personal na impormasyon sa iba.
Ikatlo, protektahan ang inyong transaksyon
*Bago ang isang online purchase, hanapin ang “lock” icon sa browser’s status bar, at tiyaking may “https” sa address bar ng website.
*Ang “s” ay nangangahulugang “ligtas” at palatandaan itong ang komunikasyon sa webpage ay encrypted.
Ika-apat, protektahan ang rekord ng transaksyon
*Itago ang diskripsyon ng produkto, opisyal o probisyonal na resibo, tag price, at email messages mula sa nagbebenta.
*Muling tingnan ang inyong credit card at bank statements kung merong lumabas na transaksyong di-awtorisado.
Bilang pagtatapos, nawa’y magkaroon ang lahat ng masaya at ligtas na pamimili online.
Salin: Lito
Pulido: Mac
Photo Courtesy: VCG