Binatikos kamakailan ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, ang hindi pagkondena ng Tsina sa aksyong militar ng Rusya sa Ukraine.
Kaugnay nito, ipinahayag nitong Marso 17, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang naturang pahayag ng Amerika ay paninirang-puri sa Tsina, na lubos na nagpakita ng kaisipang ng Cold War at bloc confrontation.
Aniya, ang pananalitang tulad nito ay hindi makakatulong sa paglutas sa isyu, at buong lakas na tinututulan ito ng Tsina.
Tinukoy ni Zhao na ang susi ng paglutas sa krisis ng Ukraine ay nasa kamay ng Amerika at North Atlantic Treaty Organization (NATO).
Ang kapasiyahan ng pamahalaang Amerikano hinggil sa ekspansyon sa silangan ay may direktang ugnayan sa kasalukuyang krisis ng Ukraine, saad ni Zhao.
Ipinahayag din ni Zhao na bilang inisyador ng krisis na ito, umaasang aktuwal na isasakatuparan ng Amerika at NATO ang responsibilidad, pasusulungin ang pagpapahupa ng kalagayan at paglutas ng isyu sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon, para agad na matapos ang krisis sa Ukraine.
Salin:Sarah
Pulido:Mac