Nag-usap sa telepono nitong Biyernes ng hapon, Marso 18, 2022 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Hun Sen ng Kambodiya.
Tinukoy ni Xi na sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng Tsina at Kambodiya, nakaranas ang kanilang relasyon ng pagsubok at nagiging mas matibay.
Sa harap ng pagbabago ng kayariang pandaigdig at pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), buong tatag na pinasusulong ng Tsina at Kambodiya ang pagtatayo ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran, bagay na natatag ng modelo ng bagong relasyong pandaigdig.
Ani Xi, dapat maayos na gamitin ng Tsina at Kambodiya ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at kasunduan ng malayang kalakalan upang mapasulong pa ang bilateral na kalakalan ng dalawang bansa.
Patuloy aniyang susuportahan ng panig Tsino ang panig Kambodyano sa paglaban sa pandemiya.
Bukod pa riyan, ipinagdiinan ni Xi na buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang namumunong papel ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa rehiyonal na kooperasyon, at kinakatigan ang pagpapatingkad ng mas malaking papel ng ASEAN sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Ipinahayag din ni Xi ang kahandaan ng panig Tsino na magsikap kasama ng panig Kambodyano at mga bansang ASEAN para mapasulong pa ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag naman ni Hun Sen ang kahandaan ng panig Kambodyano na samantalahin ang darating na ika-65 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Kambodiya at Tsina sa susunod na taon, para ibayo pang mapalalim ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, agrikultura at kultura.
Diin niya, iginigiit ng Kambodiya ang patakarang “Isang Tsina,” at buong tatag nitong sinusuportahan ang posisyon ng panig Tsino sa mga isyung gaya ng Taiwan at Xinjiang.
Samantala, nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider tungkol sa situwasyon ng Ukraine.
Buong pagkakaisa nilang ipinalalagay na dapat igiit ang balanse at makatarungang posisyon para makapagbigay ng ambag sa pagpapasulong ng pagkakaron ng talastasan ng kaukulang panig.
Salin: Lito
Pulido: Mac