Bating pambagong taon para sa mga Tsino, ipinahayag ng lider ng mga pamahalaan at pandaigdigang organisasyon

2023-01-24 11:33:18  CMG
Share with:

Kasabay ng pagdating ng Bagong Taong Tsino – Taon ng Kuneho, ipinahayag ng mga lider at opisyal ng maraming bansa at organisasyong pandaigdig ang kani-kanilang pagbati para sa mga Tsino. 

Ipinaabot ni Kristalina Georgiev, Managing Director ng International Monetary Fund (IMF) ang taos-pusong pagbati sa lahat ng mga nagdiriwang sa pagdating ng Taon ng Kuneho.

Ani Georgiev, ang kuneho ay sumasagisag sa katiwasayan, kapayapaan at kasaganaan.

Umaasa siyang ang magandang kahulugan ng kuneho ay makapagbibigay-lakas sa komunidad ng daigdig upang sama-samang tugunan ang mga karaniwang hamon at isakatuparan ang kasaganaan ng lahat.

Samantala, hangad naman ni Ngozi Okonjo-Iweala, Direktor-Heneral ng World Trade Organization (WTO) ang napakaligayang Taon ng Kuneho sa lahat ng Tsino.

Sa ngalan ng United Nations Human Settlements Programme (UN-Habitat), ipinahayag ni Executive Director Maimunah Mohd Sharif ang mataimtim na bating pambagong-taon sa lahat ng mga Tsino at kaibigan.

Hangad niya ang mapagpala, malusog, at maliagayang Taon ng Kuneho sa lahat.

Samantala, marami ring lider at opisyal mula sa iba’t-ibang bansa ang nagpa-abot ng pagbati, gaya nina Punong Ministro Justin Trudeau ng Kanada, Pangulong Rodrigo Chaves Robles ng Costa Rica, Punong Ministro Natalia Gavrilița ng Moldova, dating Punong Ministro Yasuo Fukuda ng Hapon, Alkalde Jan van Zanen ng Hague, at iba pa.

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio