Pestibal ng Tagsibol at pasyal sa Palasyo ng Tag-init

2023-01-24 12:36:29  CMG
Share with:

Pamilya ng mga pato na lumalangoy patungo sa kongkretong bangka sa Lawa ng Kunming


Ang Pestibal ng Tagsibol o Bagong Taong Tsino ay simbolo ng bagong simula, pagpapahayag ng hangarin para sa mas mabuting kinabukasan, at pinakamahalagang pestibal ng mga Tsino.

Kung ikukumpara sa ating mga pagdiriwang sa Pilipinas, ito’y katumbas ng pinagsamang Pasko’t Bagong Taon.

At tulad ng ating Pasko’t Bagong Taon, ang pinakamahalagang tema ng Pestibal ng Tagsibol ay pagmamahalan at pagsasama-sama ng buong pamilya; paghahangad ng mas maunlad na kinabukasan, kapayapaan, kalusugan; at pagharap sa bagong bukas na may-pag-asa at optimismo.

Tuwing Pestibal ng Tagsibol, may mahabang bakasyon ang halos lahat ng mga Tsino, kaya karamihan sa kanila ay umuuwi sa mga probinsya upang dalawin ang mga magulang; nagdaraos ng mga parada at sayaw ng dragon’t leon, naghahanda ng masasarap na pagkain, at bumibiyahe sa loob at labas ng Tsina.

Sumapit noong Enero 22, 2023 ang Pestibal ng Tagsibol, kaya, sinamantala ko ang pagkakataon upang makapamasyal.

Kasama ang buo kong pamilya, dinalaw namin ang isa sa mga pinakakilalang lugar sa Beijing – ang Yiheyuan o Palasyo ng Tag-init, Summer Palace sa wikang Ingles. 


 Rhio Zablan

Noong panahon ng Dinastiyang Qing (1644–1911), ang lugar na ito ay nagsilbing pahingahan at pasyalan ng mga emperador tuwing Tag-init – sa kasalukuyan, isa na itong pambansang parke.

Dahil ginawa para sa mga sinaunang emperador, makikita pa rin dito ang kagila-gilalas na pagkaka-ayos ng lawa, sinaunang gusali, naiwang relikya, at marami pang iba.

Sa panahon ng Taglamig, ang Palasyo ng Tag-init ay isa ring napakagandang lugar-pasyalan, kaya minabuti naming magpunta sa bandang hapon upang pagmasdan ang paglubog ng araw habang nasa Lawa ng Kunming at tingnan ang iba pang magagandang tanawin.

 Ang pasukan ng Palasyo ng Tag-init 

Malayong tanaw sa nagyelong Lawa ng Kunming sa dapit-hapon

Mga nakaparadang bangka sa Lawa ng Kunming 

Pamilya ng mga patong naglalaro sa lawa

 

Mga taong nagpapadulas at naglalaro sa nagyelong daluyan ng tubig na may mga tindahan sa magkabilang pampang, at kilala rin bilang “Kalye ng Suzhou”

Sa panahon ng Emeprador Qianlong (ipinanganak Setyembre 25, 1711 — namatay Pebrero 7, 1799) ng Dinastiyang Qing, nakahiligan niyang pumunta sa lalawigang Suzhou sa gawing Timog ng Tsina. Kaya, ipinag-utos niyang itayo ang daluyan ng tubig na katulad ng nasa Suzhou.

 


Mga sinaunang gusali sa loob ng Palasyo ng Tag-init

 

Malayong tanaw mula sa tuktok ng isang burol sa loob ng Palasyo ng Tag-init 

Mga mitikal na karakter sa sinaunang bubong ng palasyo upang ipagsanggalang ang emperador at kanyang pamilya laban sa masasamang tangka

Mga namamasyal at bumibili ng bulak na kendi


Artikulo: Rhio Zablan

Larawan: Rhio Zablan/Liang Shuang

Patnugot sa website: Jade