Ligaya at bagong teknolohiya, tampok ng 2023 Spring Festival Gala

2023-01-21 12:25:31  CMG
Share with:

 

Bilang pagsalubong sa Bagong Taong Tsino-Taon ng Kuneho, nakatakdang ihandog ng China Media Group (CMG) ang 2023 Spring Festival Gala, alas-otso ng gabi, ngayong araw.


Nitong apat na dekadang nakalipas, sapul nang magsimula itong isahimpapawid noong 1983, ang panonood ng taunang Spring Festival Gala, kasama ng pagsasalu-salo, pagtitipun-tipon ng pamilya, at pagdidikit ng mga couplet ay naging kagawian ng mga Tsino sa iba’t-ibang lugar ng daigdig, habang sabik na hinihintay ang pagdating ng Pestibal ng Tagsibol o Bagong Taong Tsino.

 

Ang pagtatanghal ay binubuo ng mga palabas na gaya ng awit, sayaw, dula-dulaan, opera, iskit pangkomedya o sketch comedy, sining ng pakikipaglaban o Wushu, akrobatika, at iba pa.

 

Sa 2023 Spring Festival Gala, ipapalabas sa kauna-unahang pagkakataon ang Puxian Opera, lokal na opera mula sa Putian, lalawigang Fujian sa dakong timog ng Tsina. 



Kasabay nito, upang mapasulong ang integrasyon at inobasyon ng estratehiyang "Thought + Art + Technology" ng CMG, gagamitin din ang mga bagong teknolohiyang kinabibilangan ng 4K/8K, Artificial Intelligence (AI), Extended Reality (XR), at iba pa, para mabigyan ng mas mabuting eksperiyensya ang mga manonood sa iba’t-ibang plataporma.



Halimbawa ay ang 8K UHD (Ultra High Definition) + 3D Color Sound na gagamitin sa live broadcast, at ang teknolohiyang Vertical Screen + Multi-screen para sa mga tagapanood sa mga mobile device.

 

Bukod pa riyan, mayroon ding dual platform na live broadcast ng "Hundred cities and thousand screens + cloud listening" at bunga nito, maaaring maranasan ng mga tagapagtangkilik ang nakaka-engganyong audio-visual effect sa 8K UHD sa malalaking public screen sa mga liwasang kultural sa 500 siyudad sa Tsina.


Salin/Edit: Jade

Pulido: Rhio