Kasabay ng pagsisimula ng Bagong Taong Tsino – Taon ng Kuneho, dumating, Martes, Enero 24, 2023 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang unang batch ng humigit-kumulang 190 turistang Tsino, sakay ang Xiamen Airlines.
Mainit silang sinalubong at tinanggap nina Christina Garcia Frasco, Kalihim ng Kagarawan ng Turismo (DOT), Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, Cesar Chiong, General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA), at Yan Tan, General Manager ng Tanggapan sa Maynila ng Xiamen Air.
Pagtatanghal para salubungin ang mga turistang Tsino
Ipinagkaloob din sa mga panauhing Tsino ang mga pasalubong mula sa DOT, MIAA, Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas, at samahan ng Pilipino-Tsino.
Kalihim Frasco at Embahador Huang habang nagkakaloob ng pasalubong sa mga batang turistang Tsino
Kaugnay nito, sinabi ni Kalihim Frasco na ang pagdating ng mga turistang Tsino ay hudyat ng napakaganda’t mapagpalang simula ng Bagong Taong Tsino, at nagpapahiwatig ng positibong resulta ng dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa lalo pang pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.
Aniya pa, dahil sa paninindigan ng dalawang pamahalaan, ibayo pang bubuti ang relasyong Pilipino-Sino sa hinaharap, kaya, nananabik ang Pilipinas sa muling pagdating ng mas maraming turistang Tsino.
Malaking tulong ito sa pagsisikap ng Pilipinas upang baguhin at panumbalikin ang industriya ng turismo ng bansa, dagdag pa ni Frasco.
Samantala, naniniwala naman si Embahador Huang, na kasabay ng pag-unlad ng kooperasyong panturismo ng Tsina’t Pilipinas, mas maraming turistang Tsino ang maglalakbay sa bansa sa malapit na hinaharap para kalugdan ang magagandang lugar, damdamin ang pambihirang kultura, at tikman ang masasarap na pagkain ng Pilipinas.
Ang Pilipinas ay isa sa 20 bansa na kinilala ng Ministri ng Kultura at Turismo ng Tsina bilang pilot area para sa outbound tourism group tours.
Kabilang sa iba pang 19 na bansa ay Thailand, Indonesya, Kambodya, Malaysiya, Singapore, Laos, Sri Lanka, Maldives, United Arab Emirates (UAE), Ehipto, Kenya, Timog Aprika, Rusya, Switzerland, Hungary, New Zealand, Argentina, Cuba, at Fiji.
Bago ang pandemiya, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmulan ng mga turistang dayunan ng Pilipinas. Noong 2019, mahigit 1.74 na milyong turistang Tsina ang naglakbay sa Pilipinas, at ito ay katumbas ng 21.10% ng kabuuang 8.26 na milyon.
Salin/Patnugo: Jade
Pulido: Rhio
Mga Pilipino sa Tsina, masayang nagdiwang ng Chinese New Year
2023 Spring Festival Gala: Palabas ng Interactive Visual na Courtyard of Beauty- Colors of a Nation
2023 Spring Festival Gala: Kuwentong Musikal na Mga Kamangha-manghang Hayop at Masisiglang Bata
2023 Spring Festival Gala: Flagpole Acrobatics na Dragon Flying over China