Isang shopping mall sa Zhengzhou, punong lunsod ng Lalawigang Henan, Tsina, Enero 24, 2023.
Ayon sa datos na inilabas ng Chinese Center for Disease Control and Prevention (CDC), Enero 25, 2023, malaking bumaba ang bilang ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ipinakikita nitong mabilis nang bumabalik sa normal na kalagayan ang pamumuhay, saad pa ng sentro.
Mga data metric, bumaba
Ayon sa CDC, umabot sa 63,000 ang bilang mga pasyenteng pumasok sa fever clinic nitong Lunes, Enero 23, 2023 – ito’y mas mababa ng 97.8% kumpara sa 2.86 na milyong may-sakit noong Disyembre 23, 2022.
Samantala, bumaba rin sa 248,000 ang bilang ng mga naospital na pasyente nitong Lunes – 84.8% mas maliit kaysa 1.62 milyon noong Enero 5.
Sa mga ito, ang mga grabeng kaso ay 36,000 – 72% mas mababa kumpara sa 128,000 noong Enero 5.
Bukod pa riyan, ang bilang ng arawang pagkamatay ay bumaba ng 79%, 896 nitong Lunes kumpara sa 4,273 noong Enero 5.
BA.5.2, pangunahing sub-variant
Ayon sa CDC, sa 10,165 virus sample na kanilang nalikom sapul noong unang dako ng Disyembre 2022, mahigit 70% ng mga ito ay Omicron BA.5.2 sub-variant.
Ang iba pang mga sub-variant, na gaya ng BA.5.1, BA.2.76 at BN.1.3, ay bumubuo ng tig-0.4% lamang, anito pa.
Samantala, ang BF.7 ay ang ikalawang pinakakalat na sub-variant na katumbas ng mahigit 28%.
Saad pa ng CDC, ang Beijing at Tianjin lamang ang dalawang lugar na nasa antas na probinsyonal ang kinakitaan ng BF.7 bilang dominanteng sub-variant.
Pagbabakuna, lumawak
Ayon sa CDC, 90.5% ng populasyon ng Tsina ay ganap nang bakunado.
Ito’y mas mataas kumpara sa 90.1% noong Agosto, 2022.
Samantala, nainiksyunan na ang 96% ng matatandang may edad 60 anyos pataas.
Salin: Jade
Pulido: Rhio