Pagpapakahulugan sa relasyong Sino-Amerikano bilang “kompetisyon,” tinututulan ng Tsina

2023-01-31 16:15:08  CMG
Share with:

 

Nitong ilang araw na nakalipas ay madalas banggitin ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ang pagdalaw sa Tsina ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika.

 

Ipinahayag din ng panig Amerikano na tatalakayin sa nasabing pagbisita ang paraan kung paaano kontrolin ang kompetisyon ng dalawang bansa, sa responsableng paraan; pagpapalakas ng kooperasyon sa pagharap sa hamon; at tatalakayin ang mga usaping tulad ng isyu ng Taiwan, drogang Fentanyl, isyu ng Ukraine, isyu ng Korean Peninsula, at iba pa.

 

Kaugnay nito, ipinahayag Enero 30, 2023, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na batay sa paggalang sa isa’t-isa, pantay, at mutuwal na kapakinabangan, nakahanda ang Tsina na makipagkooperasyon sa Amerika sa mga bilateral at multilateral na larangan.

 

Pero, binigyan-diin niyang hindi maaaring maki-alam ang Amerika sa mga suliraning panloob, na makakapinsala sa kapakanan ng Tsina.

 

Ani Mao, sa mula’t mula pa’y, pinapa-unlad ng Tsina ang relasyong Sino-Amerikano alinsunod sa tatlong prinsipyong inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina - paggalang sa isa’t-isa, mapayapang pakikipamuhayan, kooperasyon at mutuwal na kapakinabangan.

 

Kasabay nito, buong tatag aniyang pangangalagaan ng Tsina ang soberanya at kapakanan ng pag-unlad nito.

 

Ipinahayag ni Mao na hindi umiiwas ang Tsina sa kompetisyon, pero tinututulan ng Tsina na ipakahulugan ang buong relasyong Sino-Amerikano bilang kompetisyon.

 

Tinututulan din ng Tsina ang pagpigil ng Amerika sa pag-unlad ng ibang bansa sa katuwiran ng kompetisyon, dagdag niya.

 

Samantala, sinabi niyang ang isyu ng Taiwan ay pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano, at ito ay unang pulang linya sa relasyong Sino-Amerikano na hindi maaaring tawirin.

 

Hindi kailanman maaaring tumawid ang Amerika sa linyang ito, dagdag ni Mao.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio