Muling nanawagan, Pebrero 6, 2023, si Dai Bing, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa United Nations (UN), para sa agarang pagtitigil ng kaguluhan sa Ukraine upang maipagsanggalang ang buhay ng mga mamamayan, pasulungin ang kapayapaan, at panumbalikin ang diyalogo sa lalo madaling panahaon.
Aniya, sapul nang sumiklab ang nasabing krisis nitong halos isang taong nakalipas, palagiang kulang sa sinseridad ang mga kinauukulang panig sa pagpapasulong sa diyalogo.
Mahina rin aniya ang kanilang kapasiyahan sa pagkakaroon ng politikal na kalutasan sa nasabing isyu.
Ani Dai, ang krisis na ito ay mayroon ding kinalaman sa kaligtasan ng pagkaing-butil, enerhiya, at pinansya ng buong daigdig, kaya dapat ipakita ng mga kinauukulang panig ang makataong responsibilidad at kontrolin ang mga negatibong epekto.
Samantala, ang Tsina naman aniya ay palagiang nasa panig ng kapayapaan, diyalogo, at humanitariyanismo.
Nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng komunidad ng daigdig, para suportahan ang lahat ng pagsisikap upang makatulong sa mapayapang paglutas sa krisis sa Ukraine, dagdag pa ni Dai.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio