Nagkasundo, Pebrero 5, 2023, sina Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya at mga lider ng Ukraine na hindi gagamitin ang mga sandatang ipinagkakaloob ng mga bansang kanluranin sa Ukraine upang salakayin ang mga teritoryo sa loob ng Rusya.
Sa kabilang dako, ini-ulat ng pambansang ahensya ng pagbabalita ng Ukraine, na inihayag ng Ministri ng Imprastruktura ng bansa na 77 bapor ang ipinadala sa pamamagitan ng Black Sea grain corridor, at inihatid ang halos 3 milyong toneladang pagkaing-butil sa mundo.
Ito ay medyo mas mababa kumpara sa bolyum na ipinadala noong nagdaang Disyembre, ayon pa sa nasabing ministri.
Salin: Vera
Pulido: Rhio