Bagong progreso sa komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Iran, pasusulungin

2023-02-15 16:31:45  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap kay dumadalaw na Pangulong Ebrahim Raisi ng Iran sa Beijing, Martes, Pebrero 14, 2023, inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaang ipatupad, kasama ng panig Iranyo, ang plano sa komprehensibong kooperasyon ng dalawang bansa; palalimin ang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng kalakalan, agrikultura, industriya, imprastruktura at iba pa; at angkatin ang mas maraming de-kalidad na produktong agrikultural mula sa Iran.

 

Kasama ng Iran, handa ang panig Tsino na isagawa ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), pasulungin ang konektibidad, at palawakin ang pagpapalitang tao-sa-tao, saad ni Xi.

 


Aniya, kinakatigan ng Tsina ang pangangalaga ng panig Iranyo sa soberanya at pagsasarili, kabuuan ng teritoryo at dignidad ng nasyon; at sinusuportahan ang paglaban ng Iran sa unilateralismo at hegemonismo.

 

Tinututulan din aniya ng panig Tsino ang pakikialam ng puwersang panlabas sa mga suliraning panloob ng Iran, at pagsira sa seguridad at katatagan ng bansa.

Nakahanda ang Tsina, kasama ng Iran na suportahan ang isa’t-isa sa mga isyung may kinalaman sa kani-kanilang nukleong interes, diin pa ni Xi.

 

Umaasa naman si Pangulong Raisi na mapapalakas ang pakikipagpalitan sa panig Tsino sa iba’t-ibang antas, at mapapalalim ang pragmatikong kooperasyon sa kalakalan, imprastruktura at iba pang larangan.

 

Winewelkam aniya ng Iran ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino, at inaasahan ang paglalakbay ng mas maraming turistang Tsino.

 


Pinasalamatan din niya ang ibinigay na tulong ng Tsina sa paglaban ng Iran sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at makatarungang paninindigan ng Tsina sa mga isyung gaya ng Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) sa isyung nuklear ng Iran.

 

Inulit ni Raisi ang suporta ng kanyang bansa sa Belt and Road Initiative, Global Development Initiative at Global Security Initiative na iniharap ng panig Tsino.

 

Aktibong sasali ang Iran sa nasabing mga inisyatiba, dagdag niya.

 

Pagkatapos ng pag-uusap, sumaksi ang dalawang lider sa paglagda ng mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga larangang kinabibilangan ng agrikultura, kalakalan, turismo, pangangalaga sa kapaligiran, kalusugan, disaster relief, kultura, palakasan at iba pa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio