Inilabas Huwebes, Pebrero 16, 2023 sa Qiushi Journal, flagship magazine ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ang artikulo ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa, hinggil sa kasalukuyang usaping ekonomiko.
Ang artikulong ito ay bahagi ng talumpati ni Xi sa taunang Central Economic Work Conference na ginanap sa Beijing mula noong Disyembre 15 hanggang 16, 2022, kung saan ipinasiya ng mga lider na Tsino ang mga priyoridad ng usaping ekonomiko sa 2023.
Anang artikulo, dapat buong sikap na palawakin ang pangangailangang panloob, sa pamamagitan ng pagbibigay-priyoridad sa pagbangon at pagpapalawak ng konsumo, at pagpapasigla ng pribadong pamumuhunan, sa ilalim ng pagpapasulong ng pamumuhunang pampamahalaan at polisiyang pangganyak.
Kailangang pabilisin ng Tsina ang pagtatatag ng isang modernong sistemang industriyal, pag-ibayuhin ang pag-akit at paggamit ng banyagang kapital, at mabisang pigilan at resolbahin ang mga pangunahing panganib na ekonomiko at pinansyal, saad ng artikulo.
Dapat balakin ang bagong round ng komprehensibo’t pinalalim na reporma, at pasulungin ang de-kalidad na pag-unlad ng Belt and Road Initiative, dagdag pa nito.
Ipinanawagan din ng artikulo ang malalimang pagpapatupad ng mga pangunahing estratehiyang panrehiyon at koordinadong rehiyonal na estratehiyang pangkaunlaran, at pagpapasulong sa berdeng transpormasyon ng kaunlarang ekonomiko’t panlipunan, upang itatag ang kaaya-ayang Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Ramil