Kaugnay ng katatapos na pagdalaw ni Ministrong Panlabas Qin Gang ng Tsina sa Indonesya, ipinahayag Pebrero 23, 2023, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng bansa, na palaging priyoridad sa patakarang panlabas ng Tsina ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Matatag din aniyang sinusuportahan ng Tsina ang Indonesya sa napipinto nitong pagiging tagapangulo ng ASEAN.
Aniya, pinapalalim ng “four-wheel drive” na bagong estruktura ng kooperasyong Sino-Indones ang ugnayan ng dalawang bansa.
Ang “four-wheel drive” ay tumutukoy sa kooperasyon sa pulitika, kabuhayan, pagpapalitang tao-sa-tao, at dagat.
Ito’y modelo ng magkakasamang pagpapaunlad at kooperasyon ng mga umuunlad na bansa, saad ni Wang.
Dagdag niya, sa pagtatagpo, Pebrero 22, 2023, nina Pangulong Joko Widodo ng Indonesya at Qin Gang, inihayag ng panig Indones ang pag-asa sa pagpapabilis ng dekalidad na magkakasamang pagtatatag ng mahahalagang inisyatiba at proyektong tulad ng “Belt and Road,” pagpapalawak ng kooperasyon sa kadena ng industriya, bagong enerhiya, at iba pang larangan.
Kasama ng Indonesya, magsisikap ang Tsina, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Timogsilangang Asya at tumulong sa pagbangon ng kabuhayan pagkatapos ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), saad ni Wang.
Samantala, habang nasa Indonesya, ipinahayag ni Qin, na handang magsikap ang Tsina, kasama ng Indonesya, tungo sa magkasamang pagtahak sa landas ng modernanisasyon at pag-unlad.
Suportado aniya ng Tsina ang Indonesya sa gaganapin nitong papel bilang rotating chair ng ASEAN, para pamunuan ang konstruksyon ng Komunidad ng ASEAN at kooperasyon ng Silangang Asya tungo sa pagtatamo ng mas makabukuhang bunga.
Tulad ng dati, suportado rin ng Tsina ang sentral na katayuan ng ASEAN, saad ni Qin.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Wang na magkasamang magsisikap ang Tsina at Indonesya, kasama ng ibang bansang ASEAN, para isakatuparan ang Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at pabilisin ang pagsasanggunian para sa Code of Conduct in the South China Sea, tungo sa pangangalaga ng kapayapaan at katatagan sa naturang karagatan.
Sa panahon ng pagdalaw sa Indonesya, magkasamang pinanguluhan nina Qin Gang at kanyang counterpart na si Retno Marsudi ng Indonesya ang Ika-4 na Pulong ng Joint Commission on Bilateral Cooperation (JCBC) sa pagitan ng dalawang bansa.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio