Inanunsyo Pebrero 24, 2023, ng Sweden, tagapangulong bansa ng Konseho ng Unyong Europeo (EU), ang pag-apruba sa ika-10 round ng sangsyon laban sa Rusya.
Samantala, sa pahayag na inilabas ng Ministring Panlabas ng Rusya nang araw ring iyon, binalaan nito ang Ukraine, Amerika, at iba pang bansa ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na huwag na magsagawa ng aksyong militar sa kahabaan ng Ilog Dniester.
Sa kabilang dako, matapos ang pulong ng mga lider ng Group of 7 (G7), inihayag nila ang patuloy na pagsuporta ng G7 at mga katuwang nito sa Ukraine.
Anila, ipagkakaloob sa Ukraine ang tulong na nagkakahalaga ng US$39 bilyon bilang suporta sa rekonstruksyon; at palalakasin din ang sangsyon laban sa Rusya.
Maliban pa riyan, inihayag ng Amerika, Pebrero 24, 2023, ang pagkakaloob ng tulong na militar na nagkakahalaga ng US$2 bilyon para sa Ukraine.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio