Sa panayam sa Zvezda TV ng Rusya, Sabado, Pebrero 11, 2023, inihayag ni Pangalawang Ministrong Panlabas Sergei Vershinin ng Rusya ang kahandaan ng panig Ruso na makipagtalastasan sa Ukraine, batay sa umiiral na kalagayan.
Pero, binigyang-diin niyang wala dapat paunang kondisyon ang panig Ukrainian.
Tinukoy niyang ang panig Ukrainian ang siyang sanhi ng pagtigil ng mga naunang talastasan na ginanap sa Belarus at Türkiye.
Sa kabilang banda, inihayag ng Ukraine na nitong Pebrero 9 at 10, 2023, inilunsad ng tropang Ruso ang 106 na missile sa Ukraine, at ginamit din ang 7 suicide drone.
Kaugnay nito, ini-ulat ng media ng Moldova, na isang missile ang kumpirmadong dumaan, Pebrero 10 sa airspace ng Moldova patungong Ukraine.
Ipinatawag ng Ministring Panlabas ng Moldova ang embahador na Ruso, at sinabing hindi katanggap-tanggap ang ganitong pangyayari.
Ipinahayag ng pambansang ahensya sa pagbabalita ng Moldova, na sapul nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine, dumaan sa airspace ng Moldova ang maraming missile ng Rusya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio