Sagot ng panig Tsino sa pananalita ng embahador ng Amerika sa Pilipinas kaugnay ng mga bagong EDCA site

2023-03-12 16:28:12  CMG
Share with:

Sa panayam ng GMA Network kay MaryKay Loss Carlson, Embahador ng Amerika sa Pilipinas, sinabi niyang ang pagtatayo ng mga bago at karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site ay makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng Cagayan at Isabela.

 

Aniya, hindi dapat mabahala ang mga gobernador ng nasabing mga lalawigan sa posibilidad ng pagtatayo ng mga karagdagang purok ng kooperasyong militar.

 

Kaugnay nito, sinabi ngayong araw, Linggo, Marso 12, 2023 ng tagapagsalita ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas na napapansin ng panig Tsino na tinalakay kamakailan ng iba’t-ibang sirkulo ng lipunang Pilipino ang hinggil sa lokasyon ng apat na purok ng kooperasyong militar na bagong bubuksan ng Pilipinas sa Amerika, sa ilalim ng balangkas ng EDCA.

 

Aniya, bukod sa hayagang pagtutol ng mga gobernador ng Cagayan at Isabela, inihayag din ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagdududa sa tunay na layon ng mga pook-militar, sa kanyang panayam sa Sunshine Media Network International (SMNI).

 

Anang tagapagsalitang Tsino, ang kapayapaan at kaunlaran ay hindi lamang tema ng kasalukuyang panahon, kundi komong hangarin din ng mga mamamayan ng buong mundo.

 

Walang humpay aniyang pinalalakas ng Amerika ang kooperasyong militar sa Pilipinas, batay sa personal na kapakanan sa heopulitika at kaisipan ng Cold War, at dinaragdagan ang base-militar at pagdedeploy ng lakas-militar sa Pilipinas.

 

Ginagamit lamang dahilan ng Amerika ang makataong saklolo at pagbibigay-tulong sa pagpapa-unlad ng kabuhayan Pilipinas, upang palakasin ang puwersang militar nito para labanan ang Tsina, saad niya.

 

Ito ay malubhang makakapinsala sa pambansang kapakanan ng Pilipinas at kapayapaa’t katatagan ng rehiyon, dagdag ng tagapagsalitang Tsino.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio