Kaugnay ng gagawing dalaw pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Rusya, sinabi kahapon, Marso 17, 2023, ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ay magiging biyahe para sa pagkakaibigan, pagtutulungan, at kapayapaan.
Ayon kay Wang, sa panahon ng pagdalaw, magpapalitan ng palagay sina Xi at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, tungkol sa bilateral na relasyon at mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig, para pasulungin ang estratehikong koordinasyon at pragmatikong kooperasyon ng Tsina at Rusya, at ibigay ang bagong lakas sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Dagdag ni Wang, salamat sa mahigpit na pag-uugnayan ng dalawang lider nitong nakalipas na ilang taon, natamo ng Tsina at Rusya ang sustenable, mainam, at matatag na pag-unlad ng kanilang komprehensibo, estratehiko, at koordinadong partnership para sa bagong panahon.
Binuo aniya ng Tsina at Rusya ang porma ng relasyon ng malalaking bansa na nagtatampok sa estratehikong pagtitiwalaan at pangkaibigang pagtutulungan, at ito ay naging halimbawa ng relasyong pandaigdig.
Sinabi rin ni Wang, na ang Tsina at Rusya ay kapwa permanenteng miyembro ng United Nations Security Council at malaking bansa sa daigdig, at ang kahalagahan ng kanilang relasyon ay lumampas sa bilateral na aspekto.
Aniya, batay sa prinsipyong hindi pumanigan, hindi magsagupaan, at hindi nakatuon sa ikatlong panig, pasusulungin ng Tsina at Rusya ang tunay na multilateralismo, demokratikong relasyong pandaigdig, pagtatatag ng multipolar na daigdig, at pag-ayos ng pandaigdigang pangangasiwa.
Igigiit ng Tsina ang obdiyektibo at makatarungang posisyon sa isyu ng Ukraine, at patitingkarin ang konstruktibong papel para sa talastasang pangkapayapaan, saad pa ng tagapagsalita.
Editor: Liu Kai
Pulido: Ramil Santos