Inanunsyo Linggo, Marso 19, 2023 ng pamahalaang pederal ng Switzerland na bibilhin ng Swiss banking giant na UBS Group AG ang Credit Suisse.
Anito, sa harap ng kasalukuyang mahirap na situwasyon, ang pagbili ng UBS sa Credit Suisse ay pinakamagandang solusyon para mapanumbalik ang kompiyansa sa pamilihang pinansyal, at ito rin ang pinakamabuting paraan upang mapangasiwaan ang mga panganib na kinakaharap ng bansa at mga mamamayan.
Ayon naman sa proklamasyon ng UBS, ang kasalukuyang takeover ay isasakatuparan, sa ilalim ng suporta ng pamahalaang pederal, Swiss Financial Markets Supervisory Authority (FINMA), at Swiss National Bank (SNB).
Maaaring makuha ng Credit Suisse at UBS ang liquidity mula sa SNB, anang proklamasyon.
Matatandaang itinayo ang Credit Suisse noong 1856, at mayroon itong mahalagang impluwensiya sa pandaigdigang pamilihan ng kapital.
Nitong nakalipas na dalawang taon, tuluy-tuloy na nalugi ang Credit Suisse.
Salin: Vera
Pulido: Rhio