Inihayag, Marso 26, 2023 ng Tanggapan ng Impormasyon ng Pamahalaang Israeli, na nilagdaan nang araw ring iyon ng Israel at United Arab Emirates (UAE) ang isang kasunduan sa taripa, at ito’y hudyat ng pormal na pagkakabisa ng kasunduan sa malayang kalakalan na nilagdaan ng dalawang bansa noong nagdaang taon.
Anang pahayag, ang kasunduan sa malayang kalakalan ay magiging pangunahing makina sa paglago ng kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang bansa, at ibayo pang magpapalakas ng bilateral na relasyon.
Ang nasabing kasunduan ay tinatayang malaking magpapalawak sa saklaw ng kalakalan at magbubunsod ng karagdagang pagkakataon ng hanap-buhay at magpapababa sa gastos ng pamumuhay ng Israel, dagdag nito.
Matatandaang noong Setyembre 2020, nilagdaan ng Israel at UAE ang kasunduan sa normalisasyon ng relasyong diplomatiko.
Samantala, nagsimula noong Nobyembre 2021 ang talastasan sa malayang kalakalan, at ito’y natapos noong Abril 2022.
Pormal na nilagdaan, Mayo 31, 2022 ng kapuwa panig ang nasabing kasunduan, at ito ang kauna-unahang kasunduan sa malayang kalakalan sa pagitan ng Israel at mga bansang Arabe.
Noong 2022, lumampas sa US$2.5 bilyon ang kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan ng Israel at UAE.
Salin: Vera
Pulido: Rhio