Pinapurihan Abril 10, 2023, ni Nasser Kanaani, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Iran, ang Tsina sa pagganap nito ng “konstruktibong papel” sa normalisasyon ng relasyong Iranyo at Saudi Arabiano.
Aniya, narating ng dalawang bansa ang napakahalagang kasunduan sa pamamagitan ng mabuting platapormang pandiyalogong ipinagkaloob ng Tsina.
Si Nasser Kanaani, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Iran /file photo
Dagdag niya, nasa Iran ngayon ang delegasyon ng Saudi Arabia, at magtutungo rin sa Saudi Arabia ang delegasyong Iranyo sa lalong madaling panahon upang pag-usapan ang isyu ng muling pagbubukas ng mga embahada at konsulada sa isa’t-isa.
Bukod diyan, ipapadala rin aniya ng dalawang panig ang mga embahador sa isa’t-isa pagkatapos ng mga kailangang paghahanda.
Matatandaang natigil ang relasyong diplomatiko ng Saudi Arabia at Iran noong 2016.
Idinaos naman noong Abril 6, 2023 sa Beijing, ang group meeting nina Qin Gang, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina; Ministrong Panlabas Prince Faisal bin Farhan Al Saud ng Saudi Arabia; at Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran.
Matapos ang pagtatagpo, sinaksihan ni Qin ang pagpapatalastas ng pagpapanumbalik ng relasyong diplomatiko ng Iran at Saudi Arabia.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio