Sa kanyang pakikipagtagpo Abril 13, 2023, sa Beijing, kay Celso Amorim, punong espesyal na tagapayo ng pangulo ng Brazil, ipinahayag ni Wang Yi, direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa Mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partidong Komunista ng Tsina, na ang pagdalaw sa Tsina ni Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva ng Brazil ay mahalagang muhon ng kasaysayan sa relasyon ng Tsina at Brazil.
Ani Wang, sa mula’t mula pa lamang, tinitingnan at pinapaunlad ng Tsina ang relasyon ng dalawang bansa sa estratehikong anggulo. Malaki aniya ang potensyal ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa at malawak ang prospek nito.
Ipinahayag ni Wang na nakahanda ang Tsina na palakasin ang estratehikong pakikipagkoordina sa Brazil, palalimin ang aktuwal na kooperasyon ng dalawang panig, pasulungin ang koneksyon ng Belt and Road Initiative at industriyalisasyon ng Brazil, para mas mabuting makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa.
Nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng Brazil, para palalimin ang kooperasyon ng mga bansang Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS), pasulungin ang ekspansyon ng miyembro ng BRICS, pataasin ang epekto ng sistema ng BRICS, at ibigay ang ambag para sa reporma ng pandaigdigang sistema ng pagsasa-ayos.
Ipinahayag ni Amorim na ginaganap ng Tsina ang mahalagang papel sa mga suliraning pandaigdig. Isinulong kamakailan ng Tsina ang diyalogo ng Saudi Arabia at Iran sa Beijing na nagbigay ng importanteng ambag para sa kapayapaan ng buong daigdig.
Lubos na pinahahalagahan ng Brazil ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Brazil at nakahandang palakasin ang estratehikong kooeperasyon ng dalawang bansa, dagdag niya.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil