Nag-usap kahapon, Abril 14, 2023, sa Beijing, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva ng Brazil.
Ipinahayag ni Xi ang kahandaan ng Tsina, kasama ng Brazil, na likhain ang bagong kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa, ihatid ang mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan, at patingkarin ang positibo at mahalagang papel para sa kapayapaan, katatagan, kasaganaan, at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Sinabi niyang, pasusulungin ng Tsina at Brazil ang mga umiiral na proyektong pangkooperasyon, palalalimin ang kooperasyon sa agrikultura, enerhiya, imprastruktura, kalawakan, berdeng kabuhayan, digital na kabuhayan, at iba pa, at aangkatin ng Tsina ang mas maraming de-kalidad na produkto mula sa Brazil.
Umaasa si Xi, na palalakasin ng Tsina at Brazil ang koordinasyon sa mga multilateral na balangkas na gaya ng United Nations, BRICS, Group of 20, at iba pa. Ipinahayag din niya ang pagsuporta sa mas malaking papel ng mga bansang Latino-Amerikano at Caribbean sa mga suliraning pandaigdig.
Sinabi naman ni Lula, na ang pagpapalakas ng relasyon sa Tsina ay komong hangarin ng iba’t ibang panig ng Brazil, at tiyak na magiging mas maganda ang kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang, ang kooperasyon ng Brazil at Tsina ay makakatulong sa digital na transpormasyon, low-carbon na pag-unlad, at pagbabawas ng karalitaan sa Brazil.
Ipinahayag din ni Lula, na kapwa ipinagtatanggol ng Brazil at Tsina ang multilateralismo at pandaigdigang pagkakapantay-pantay at katarungan. Palalakasin aniya ng dalawang bansa ang koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig.
Pagkaraan ng pag-uusap, sinaksihan ng dalawang pangulo ang paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon ng Tsina at Brazil sa kalakalan, pamumuhunan, digital na kabuhayan, inobasyong panteknolohiya, telekomunikasyon, pagbabawas ng karalitaan, kalawakan, at iba pang mga aspekto.
Inilabas din ng dalawang bansa ang magkasanib na pahayag sa pagpapalalim ng kanilang komprehensibo at estratehikong partnership.