Mayo 15, 2023, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo kay Peter Szijjarto, Ministrong Panlabas ng Hungary, sinabi ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa mga Usaping Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na katumbas ng pag-unlad ng kanyang bansa ang paglakas ng puwersa ng kapayapaan at paglaganap ng mga matatag na elemento sa daigdig.
Umaasa aniya siyang tatanawin ng Hungary ang pag-unlad ng Tsina sa obdyektibo’t mapagkaibigang paraan.
Ani Wang, ang Tsina at Hungary ay may paggalang, paniniwala, pag-unawa at suporta sa isa’t-isa, at ang relasyon ng dalawang bansa ay nasa pinakamabuting panahon sa kasaysayan.
Kaugnay nito, tinukoy niyang suportado ng Tsina ang estratehikong pagsasarili ng Europa.
Ang muling paglitaw ng ideya ng Cold War ay hindi mabuti para sa pangmalayuang pag-unlad ng Europa, diin pa niya.
Nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng mga bansa ng Unyong Europeo (EU) na kinabibilangan ng Hungary, para pangalagaan ang tunay na multilateralismo, pasulungin ang demokratisasyon ng relasyong pandaigdig, at palakasin ang pag-unlad ng pandaigdigang sistema ng kaayusan tungo sa mas makatuwiran at makatarungang direksyon.
Ipinahayag naman ni Peter Szijjarto ang pagpuri ng Hungary sa pagsisikap ng Tsina para lutasin ang krisis ng Ukraine sa pulitikal na paraan.
Ang kooperasyon sa pagitan ng Hungary at Tsina, at Europa at Tsina, ay pagkakataon, sa halip ng panganib, diin niya.
Nalulugod aniya ang Hungary sa pagdaragdag ng pamumuhunan ng Tsina sa bansa.
Hinggil dito, handa ang Hungary na lalo pang pataasin ang kooperasyon ng dalawang panig sa iba’t-ibang larangan para pasulungin ang pag-unlad ng relasyong Sino-Hungarian, dagdag niya.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio