Senaryo ng aplikasyon ng 5G, palalawakin: pananaliksik at pag-unlad sa 6G, palalakasin ng Tsina

2023-06-05 15:39:11  CMG
Share with:

Beijing – Sa kanyang talumpati, Hunyo 4, 2023, sa porum ng pagbubukas ng Ika-31 PT Expo China, ipinahayag ni Jin Zhuanglong, Ministro ng Industriya at Teknolohiya ng Impormasyon ng Tsina, na pabibilisin ang pagtatayo ng mga virtual private network sa industriya ng 5G at payayamanin ang mga senaryo ng aplikasyon ng 5G sa bansa.

 

Sisiguruhin aniya ng Tsina na mapapabuti ang saklaw ng mga dekalidad na network tulad ng 5G at gigabit optical network sa pamamagitan ng patuloy na pagsasaayos ng imprastraktura at pagtatayo ng hanay ng mga pabrika ng 5G.

Ani Jin, inuusisa ng Tsina ang Internet ng susunod na henerasyon, at iba pang mga larangan, at komprehensibong itinataguyod ang pananaliksik at pag-unlad ng teknolohiya ng 6G.

Itutulak aniya ng bansa ang pag-unlad ng mga bagong uri ng pasilidad sa impormasyon, pabibilisin ang paggamit ng teknolohiya sa impormasyon, at palalalimin ang mga integradong aplikasyon ng industriyal na Internet.

Papabilisin din ang pagpapalago ng mga umuusbong na sektor habang patuloy na ginagawa ang mga pagsisikap upang mapatatag ang mga kakayahan ng buong industriya ng bansa sa mga sektor ng mobile at optikal na komunikasyon, dagdag ni Jin.


Salin:Sarah

Pulido:Rhio