Kooperasyon sa mas mataas na antas, magkasamang isusulong ng Tsina’t New Zealand

2023-06-29 16:18:01  CMG
Share with:

Hunyo 28, 2023, Beijing – Sa kanyang pakikipag-usap kay dumadalaw na Punong Ministro Chris Hipkins ng New Zealand, sinabi ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na ang susunod na taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.

Sina Premyer Li Qiang ng Tsina at Punong Ministrong Chris Hipkins ng New Zealand (photo from Xinhua)

Kaugnay nito, nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng New Zealand, upang lalo pang mapalalim ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, at magkasamang mapa-angat sa mas mataas na lebel ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, tungo sa pagkakamit ng benepisyo ng mga mamamayan ng kapuwa bansa, Asya-Pasipiko at buong daigdig.

 

Tinukoy ni Li na dapat mabuting gamitin ng dalawang panig ang China-New Zealand Free Trade Agreement Upgrade Protocol; paunlarin ang potensyal ng didyital na ekonomiya, berdeng ekonomiya, inobasyon at iba pang larangan; magkasamang pasulungin ang malayang kalakalan; suportahan ang kooperasyon sa Asya-Pasipiko; at pasulungin ang kooperasyon ng dalawang panig sa edukayson, turismo at iba pa.

 

Ipinahayag naman ni Punong Ministro Hipkins na may malawak at malalim na kooperasyon sa iba’t-ibang larangan at iba’t ibang antas ang New Zealand at Tsina.

 

Nakahanda aniya ang New Zealand na palalimin ang pakikipagpalitan at pakikipagkooperasyon sa Tsina sa larangan ng kabuhayan at kalakalan, agham, edukasyon at iba pa.

 

Dagdag ni Hipkins, nais din ng kanyang bansa na, palakasin kasama ng Tsina, ang koordinasyon sa mga isyu sa isla ng Pasipiko at iba pang multilateral na usapin, magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamong tulad ng pagbabago ng klima, at iba pa.

 

Malugod na tatanggapin ng New Zealand ang mas maraming negosyanteng Tsino, turista at estudyante, saad pa niya.

 

Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan nina Premyer Li at PM Hipkins ang paglagda ng mga dokumento hinggil sa bilateral na kooperasyon.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio