Sa kanyang pakikipagtagpo Hulyo 12, 2023, kay Vivian Balakrishnan, Ministrong Panlabas ng Singapore, ipinahayag ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyong Sentral ng Departamento ng Ugnayang Panlabas ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na dapat pabilisin ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang negosasyon para sa bersyon 3.0 ng China-ASEAN Free Trade Area (FTA).
Ang taong 2023 ay ika-20 anibersaryo ng pagpasok ng Tsina sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, at kaugnay nito, sinabi ni Wang na dapat samantalahin ang pagkakataon para magkaroon ng bagong pananaw sa kooperasyon tungo sa lalo pang pagpapasulong ng uganayan ng dalawang panig.
Kasama ng Singapore, magsisikap ang Tsina upang mapalalim ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba’t-ibang larangan, at mapabuti ang pagpapalitang tao-sa-tao, dagdag ni Wang.
Ipinahayag naman ni Balakrishnan, na kasama ng Tsina, nakahandang magsikap ang Singapore para palawakin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, batay sa bagong posisyon ng relasyon ng dalawang bansa.
Umaasa aniya siyang magkakaroon ng mas marami pang direktang lipad sa pagitan ng Tsina at Singapore para lalong mapabuti ang pagpapalitang tao-sa-tao sa pagitan ng dalawang bansa.
Suportado ng Singapore ang mutuwal na paggagalangan, mapayapaang pakikipamumuhayan, at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, dagdag niya.
Umaasa rin siyang mapapalakas ng ASEAN at Tsina ang mutuwal na pagtitiwalaan, at pasusulungin ang katatagan at kasaganaan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio