Tsina at Amerika, magkasamang harapin ang problema ng pagbabago ng klima

2023-07-18 16:26:13  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo Hulyo 18, 2023, kay John Kerry, Special Presidential Envoy for Climate ng Amerika, ipinahayag ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Suliraning Panlabas ng Tsina, na ang matatag na relasyong Sino-Amerikano ay kinakailangan ng daigdig.

 


Aniya, noong Nobyembre ng nagdaang taon, nagtagpo sa Bali Island, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika at narating ang komong palagay. Dapat aktuwal na isakatuparan ng Tsina at Amerika ang komong palagay, para pasulungin ang relasyong Sino-Amerikano na babalik sa landas ng malusog na pag-unlad.

 

Tinukoy ni Wang na sa patnubay ng Kaisipan ni Xi Jinping sa Ekolohikal na Sibilisasyon, tumatahak ang Tsina sa landas ng berde, mababang karbon, at sustenableng pag-unlad, at aktibong isinasagawa ng Tsina ang pandaigdigang kooperasyon sa harap ng pagbabago ng klima, para itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pasulungin ang pagtatatag ng malinis at magandang daigdig.

 

Aniya, nakahanda ang Tsina na palakasin ang diyalogo at komunikasyon sa Amerika para magkasamang harapin ang pagbabago ng klima. Napakalaki ang potensyal ng kooperasyon ng Tsina at Amerika sa pagharap sa pagbabago ng klima. Umaasa ang Tsina na mananangan ang Amerika sa rasyonal, pragmatiko at aktibong patakaran sa Tsina, igigiit ang prinsipyong isang-Tsina, maayos na hahawakan ang isyu ng Taiwan, at tatahak ang Amerika, kasama ng Tsina, sa landas ng paggalang sa isa’t isa, mapayapang pakikipamumuhay, kooperasyon at pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan.

 

Ipinahayag naman ni Kerry na lubos na pinahahalagahan ng Amerika ang relasyong Amerikano-Sino. Umaasa ang kanyang bansa na magsisikap, kasama ng Tsina, para ibayo pang mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa. Palagiang nananangan ang Amerika sa prinsipyong isang-Tsina. Batay sa diwa ng paggalang sa isa’t isa, nakahanda ang Amerika na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina, maayos na hawakan ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bansa, at magkasamang harapin ang mga pandaigdigang hamong kinabibilangan ng pagbabago ng klima.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil