Tsina at Algeria: patuloy na pasulungin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan

2023-07-20 17:07:38  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo Hulyo 19, 2023, sa Beijing, kay dumadalaw na Pangulong Abdelmadjid Tebboune ng Algeria, ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina na dapat pasulungin ng dalawang bansa ang pragmatikong kooperasyon sa mga tradisyunal na larangang tulad ng pagtatayo ng imprastruktura, para maisakatuparan nang mas mabuti ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.

 

Sina Premyer Li Qiang ng Tsina at Pangulong Abdelmadjid Tebboune ng Algeria (Photo from Xinhua)


Dapat paunlarin ang kooperasyon ng dalawang panig sa mga bagong larangan na kinabibilangan ng teknolohiya ng impormasyon, digital economy, bagong enerhiya na sasakyan, at space satellites, upang buuin ang modelo para sa kooperasyon sa pagitan ng mga umuunlad na bansa sa larangan ng high-tech, dagdag ni Li.

 

Tinukoy niyang, dapat lalo pang palalimin ang kooperasyon ng dalawang panig sa mga larangang tao-sa-tao na kinabibilangan ng medikal, edukasyon, turismo at iba pa, para makinabang ang mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Sinabi rin ni Li, na sinusuportahan ng Tsina ang Algeria sa pagganap nito ng mas malaking papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Algeria, para isakatuparan ang totoong multilateralismo, tutulan ang unilateralismo at hegemonya, para mapangalagaan ang komong kapakanan ng Tsina, Algeria at ibang mga umuunlad na bansa.

 

Samantala, ipinahayag ni Abdelmadjid Tebboune na walang anumang limitasyon ang kooperasyong Algerian-Sino. Nakahanda aniya ang Algeria na pag-aralan ang karanasan ng pag-unlad ng Tsina, at palalimin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa pamumuhunan, pagmimina, arkitektura, industriya at iba pang larangan, palakasin ang koordinasyon ng dalawang bansa sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, para likhain ang bagong kinabukasan, at dulutin ang bagong puwersang tagapagpasulong para sa relasyong Algerian-Sino.

 

Salin:Sarah

Pulido:Ramil