Tsina, optimistiko sa ika-19 na pag-uusap ng Tsina at India sa antas ng corps commander

2023-08-16 16:15:53  CMG
Share with:

Mula Agosto 13 hanggang 14, 2023, ginanap sa hanggahan ng Moldo-Chushul sa bahagi ng India ang ika-19 na round ng pag-uusap ng Tsina at India sa antas ng corps commander.

 

Kaugnay nito, inihayag Agosto 16 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na optimistiko ang kanyang bansa sa natamong progreso ng nasabing pag-uusap.

 

Aniya, dahil sa matapat, pragmatiko at positibong atmospera, isinagawa ng kapuwa panig ang malalim at kontruktibong pag-uugnayan hinggil sa pagresolba sa mga natitirang isyu sa kanlurang bahagi ng hanggahan ng dalawang bansa.

 

Sa magkasamang patnubay ng mga lider ng dalawang bansa, nagpalitan ng kuru-kuro ang magkabilang panig, sa bukas na paraang nakatuon sa hinaharap, at sumang-ayon silang panatilihin ang pag-uugnayan at diyalogo sa pamamagitan ng mga tsanel-militar at diplomatiko, upang resolbahin sa lalong madaling panahon ang mga natitirang isyu, saad ni Wang.

 

Sa panahong ito, sumang-ayon aniya ang kapuwa panig na panatilihin ang kapayapaan at katahimikan ng purok-hanggahan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio