Panel report ng WTO sa Section 232 measures ng Amerika, pinag-aaralan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina

2023-08-17 16:25:37  CMG
Share with:

Sinabi, Agosto 16, 2023 ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na sinusuri’t pinag-aaralan nito ang panel report ng World Trade Organization (WTO) hinggil sa Section 232 tariff measures ng Amerika sa pag-aangkat ng asero at aluminyo.

 

Ito ay upang malaman at maisigurado ang mga kinakailangan at ganting hakbangin ng Tsina alinsunod sa alituntunin ng WTO, anang ministri.

 

Anito, ang ugat ng problema ay ang mga unilateral at proteksyonistang kilos ng Amerika, at ang mga ganting hakbangin ng Tsina ay lehitimong aksyong isinagawa batay sa batas, upang mapangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng bansa.

 

Sa katuwiran ng pagsasanggalang sa “pambansang seguridad,” ipinataw Marso 2018, ng Amerika ang karagdagang taripa sa mga produktong asero’t aluminyo na inangkat mula sa maraming kasapi ng WTO na kinabibilangan ng Tsina – bagay na nakatawag ng malawakang pagkabahala, dagdag ng ministri.

 

Anang ministri, nag-apela ang Tsina at iba pang kasapi sa mekanismo ng pagresolba ng mga alitan ng WTO, at ayon sa inilabas na hatol noong Disyembre ng 2022, ang mga hakbangin ng Amerika ay labag sa mga alituntunin ng WTO.

 

Sa kabila nito, ipinagpilitan pa rin ng Amerika ang sariling paninindigan, hinadlangan ang pagkakabisa ng panel report, iniwasan ang pagsasabalikat ng sariling obligasyon, at tinanggihan ang pag-aalis ng mga ilegal na hakbangin sa taripa, saad pa ng ministri.

 

Hinihiling anito ng panig Tsino sa panig Amerikano na agarang kanselahin ang steel at aluminum Section 232 measures na lumalabag sa mga alituntunin ng WTO, at ipagtanggol, kasama ng ibang kasapi ng WTO, ang mekanismo ng multilateral na kalakalan, na nakabatay sa mga alituntunin.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio