Kaugnay ng pagsisimula ngayong araw, Agosto 24, 2023, ng pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat ng Hapon, ipinahayag ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na hindi dapat balewalain ng komunidad ng daigdig ang pagpipilit ng pamahalaang Hapones sa isyung ito.
Mahigpit na kinokondena at matatag na tinututulan ng Tsina ang aksyon ng Hapon, anang ministri.
Saad ng MOFA, iniharap na ng Tsina ang solemnang representasyon sa Hapon, at hiniling ang agarang pagtitigil ng naturang maling aksyon.
Ang pangangasiwa sa nuklear na kontaminadong tubig mula sa Fukushima Nuclear Power Plant ay mayroong epekto sa buong daigdig, at ang dagat ay pag-aari ng buong sangkatauhan, kaya ang aksyong ito ay napaka-makasarili at iresponsible, diin ng MOFA.
Dagdag ng ministring Tsino, isinasapanganib ng nasabing aksyon ang buong daigdig; niyuyurakan ang karapatan sa kalusugan, kaunlaran at kapaligiran ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa; at lumalabag sa pandaigdigang batas.
Tiyak na kokondenahin ng komunidad ng daigdig ang Hapon pagdating ng panahon, saad pa ng MOFA.
Sa kabilang dako, sinabi nitong palagiang ipinapauna ng Tsina ang kapakanan ng mga mamamayan, at isasagawa ang lahat ng kinakailangang hakbangin para mapangalagaan ang kaligtasan ng pagkain at kalusugan ng mga mamamayang Tsino.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio