Sa pagtatagpo, Setyembre 3, 2023, nina Ministrong Panlabas Hossein Amir-Abdollahian ng Iran, at dumadalaw na counterpart na si Hakan Fidan ng Türkiye, tinalakay nila ang mga paraan sa pagpapalakas ng kooperasyon at implementasyon ng mga bilateral na kasunduan.
Ayon sa ulat ng Islamic Republic News Agency (IRNA) ng Iran, sinabi ni Amir-Abdollahian, na nagpokus ang pag-uusap sa implementasyon ng mga bilateral na kasunduang pinirmahan ng Iran at Türkiye sa panahon ng pagdalaw ni Pangulong Recep Tayyip Erdogan ng Türkiye sa Iran noong Hulyo ng nakaraang taon.
Sumang-ayon din ang dalawang bansa sa pagdaraos ng trilateral na pulong kasama ang Saudi Arabia para talakayin ang pagpapalaki ng ekonomikong kooperasyon sa pagitan ng tatlong bansa, saad ni Amir-Abdollahian.
Samantala, sinabi naman ni Hakan Fidan na nalulugod ang kanyang bansa sa normalisasyon ng relasyon sa pagitan ng Tehran at Riyadh.
Aniya, ang Türkiye, Iran at Saudi Arabia ay tatlong responsableng malalaking bansa sa rehiyon, at ang mapagkaibigang relasyon ng tatlo ay napakahalaga sa paggarantiya ng rehiyonal na katatagan.
Tinalakay din ng Iran at Türkiye ang paggarantiya ng seguridad sa hanggahan, paglaban sa terorismo, pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, kabuhayan at enerhiya, at iba pang isyu, saad niya.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio