Inanunsyo Miyerkules, Setyembre 13, 2023 ni Presidente Ursula von der Leyen ng European Commission ang paglulunsad ng anti-subsidy investigation sa mga sasakyang de koryente ng Tsina.
Kaugnay nito, inihayag Huwebes ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina ang lubos na pagkabahala at mariing kawalang-kasiyahan dito.
Saad ng tagapagsalitang Tsino, ang ganitong hakbangin ay purong proteksyonismo, sa ngalan ng “patas na kompetisyon,” at mkakapinsala sa ugnayang pangkabuhaya’t pangkalakalan ng Tsina at Unyong Europeo (EU).
Anang tagapagsalita, sa mula’t mula pa’y nananatiling bukas at kooperatibo ang pakikitungo ng Tsina, at winewelkam ang ibayo pang pagpapalawak ng mga automobile company ng EU ng kani-kanilang pamumuhunan, na kinabibilangan ng pamumuhunan sa sasakyang de koryente.
Hinimok aniya ng ministring ito ang EU na isagawa ang diyalogo at konsultasyon sa Tsina, at likhain ang patas, at walang-pinapanigang kapaligiran para sa komong kaunlaran ng industriya ng sasakyang de koryente ng Tsina at EU.
Salin: Vera
Pulido: Rhio