Geneva, Switzerland - Sa Ika-54 na Sesyon ng Human Rights Council, ipinagdiinan kahapon, Setyembre 20, 2023, ng Tsina at mahigit 80 iba pang bansa ang kahalagahan ng pagpapasulong sa inklusibong lipunan, upang ihatid ang benepisyo at ibigay ang makatarungang pamumuhay at pag-unlad sa mga may-kapansanang kababaihan.
Sa ngalan ng mahigit 80 bansa, tinukoy ni Chen Xu, Puno ng Misyong Tsino sa United Nations (UN) sa Geneva, na ang mga may-kapansanang kababaihan ay miyembro ng pamilya ng sangkatauhan.
Kaugnay nito, sapul nang idaos aniya ang Ika-4 na Pandaigdigang Komperensya ng Kababaihan sa Beijing, kapansin-pansin ang natamong progreso ng usapin ng kababaihan, pero nahaharap pa rin ang mga may-kapansanang kababaihan sa iba’t-ibang hamong gaya ng di-sapat na segurong panlipunan, diskriminasyon, karalitaan at iba pa.
Magkakasama aniyang nananawagan ang Tsina at 80 iba pang bansa sa komunidad ng daigdig, na palawakin ang oportunidad sa pagsali ng mga may-kapansanang kababaihan sa mga usaping pangkabuhayan, panlipunan at pangkultura, upang sila ay makapag-ambag at makinabang sa 2030 Agenda for Sustainable Development.
Bukod diyan, iminungkahi rin ng nasabing mga bansa, na pawiin ang pagkiling at pagtatangi sa mga may-kapansanang kababaihan, ipagkaloob ang mas kumpletong kondisyon ng elderly care para igarantiya ang karapatan sa buhay at kaunlaran, at pasulungin ang konstruksyon ng barrier-free facilities tungo sa pagtatayo ng mas sistematiko at inklusibong kapaligiran para sa kanila.
Salin: Vera
Pulido: Rhio