Kooperasyon at pakikipagmabutihan sa Ehipto, palalakasin ng Tsina – senior official ng CPC

2023-09-27 12:13:34  CMG
Share with:

Mula Setyembre 23 hanggang 25, 2023, isinagawa ni Li Xi, Pirmihang Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Kalihim ng CPC Central Commission for Discipline Inspection, ang opisyal na dalaw-pangkaibigan sa Ehipto.

 


Sa pakikipagtagpo sa kanya ni Pangulong Abdel-Fattah al-Sisi ng Ehipto, inihayag ni Li na kasama ng Ehipto, ipapatupad ng Tsina ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, patitibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, at pasusulungin ang malalimang sinerhiya ng “Belt and Road Initiative (BRI)” at “Egypt Vision 2030,” upang maisakatuparan ang komong kaunlaran.

 

Umaasa aniya siyang palalakasin ng kapuwa panig ang pagpapalitan ng mga partido at kooperasyon sa paglaban sa korupsyon, at walang humpay na pasasaganahin ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa.

 

Inihayag naman ni Pangulong Abdel-Fattah al-Sisi ang kahandaang palakasin ang kooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng imprastruktura, agrikultura, turismo at pinansya.

 

Winewelkam din niya ang pamumuhunan ng mas maraming kompanyang Tsino sa Ehipto.

 

Samantala, nakipag-usap din si Li kay Abdel-Wahab Abdel-Razeq, Ispiker ng Senado at Tagapangulo ng Nation's Future Party ng Ehipto.

 


Saad ni Li, pinahahalagahan ng CPC ang pagpapalakas ng pakikipagpalitan sa mga partido ng Ehipto na kinabibilangan ng Nation's Future Party, at kinakatigan ang paghahanap ng bansa ng landas ng pag-unlad na angkop sa aktuwal at sariling kalagayan.

 

Nakahanda aniya ang Tsino na ibahagi ang pagkakataong pangkaunlaran na dulot ng modernisasyong Tsino.

 

Inihayag naman ni Abdel-Wahab Abdel-Razeq ang pag-asang mapapalakas pa ang pagpapalitan ng mga karanasan at mutuwal na pagkatuto sa mga larangang gaya ng pagsasanay ng mga kadre, pagbibigay-tulong at pagbabawas sa karalitaan, paglaban sa katiwalian at iba pa.

 

Sa panahon ng kanyang pananatili sa Ehipto, bumisita rin si Li sa Central Business District (CBD) sa bagong administrative capital na itinatatag ng mga kompanyang Tsino.

 

Naglakbay rin siya sa probinsyang Aswan sa katimugan ng bansa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio