Punong lehislator ng Tsina, nakipagtagpo sa delegasyong kongresyonal ng Amerika

2023-10-10 16:44:13  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Nakipagtagpo Lunes, Oktubre 9, 2023 si Zhao Leji, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, sa delegasyong kongresyonal ng Amerika na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Chuck Schumer.

 

Tinukoy ni Zhao na ang mga simulain ng paggagalangan, mapayapang pakikipamuhayan, at win-win na kooperasyon na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ay batayan ng pagpapaunlad ng ugnayang Sino-Amerikano.

 

Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang panig Amerikano’t Tsino, at gagawa ng mas marami para sa pagpapahigpit ng pag-uunawaan, pagtitiwalaan at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.

 

Ipinagdiinan ni Zhao ang kahandaan ng NPC na palakasin ang pakikipagpalitan sa kongreso ng Amerika, isagawa ang pag-uugnayan at pagpapalitan batay sa makatarungan at obdyektibong simulain, hanapin ang bagay na mapagkakasunduan habang isinasaisangtabi ang pagkakaiba, pasulungin ang kooperasyon, at gampanan ang konstruktibong papel sa pagpapasulong sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.

 


Pawang inihayag ng mga miyembro ng delegasyon na hindi hinahangad ng Amerika ang sagupaan sa Tsina, at nakahandang isagawa ang matapat na pakikipagpalitan sa panig Tsino kaugnay ng mga mahahalagang isyung kapuwa nilang pinahahalagahan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil