Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono Oktubre 12, 2023, kay Celso Luiz Nunes Amorim, Punong Tagapayo ng Pangulo ng Brazil, ipinahayag ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Komisyon sa Mga Suliraning Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na nanawagan ang Tsina sa iba’t ibang panig na magtimpi para maisakatuparan sa lalo madaling panahon ang paghupa ng alitan at maiwasan ang paglala ng tension sa pagitan ng Palestina at Israel.
Aniya, ang pangunahing priyoridad sa kasalukuyan ay paggarantiya sa kaligtasan ng mga sibiliyan, magbukas ng mga tsanel ng pagsagip at maiwasan ang seryosong makataong krisis sa Gaza.
Tinukoy ni Wang na ang isyu ng Palestina ay nukleo ng isyu ng Gitnang Silangan. Ang alitang ito ay muling nagpapakita na ang kalutasan ng isyu ng Palestina ay nakasalalay sa mapayapang talastasan sa lalo madaling panahon, at pagsasakatuparan ng mga lehitimong karapatan ng Palestina.
Nanawagan ang Tsina na idaos ang pandaigdigang pulong sa lalong madaling panahon para pasulungin ang komunidad ng daigdig na marating ang komong palagay batay sa pundasyon ng “two-state solution” at itakda ang iskedyul at road map para sa layuning ito.
Nakahanda ang Tsina na panatilihin ang koordinasyon at komunikasyon sa Brazil at iba pang kinauukulang panig hinggil dito, saad ni Wang.
Samantala, ipinahayag ni Amorim na bilang tagapangulong bansa ng United Nations Security Council (UNSC) ng buwang ito, nakatakdang mangulo ngayong araw ang Brazil ng pangkagipitang pulong ng UNSC hinggil sa alitan ng Palestina at Israel. Ang susi aniya ng kalutasan ay pagpapanumbalik ng talastasan, at nakahanda ang Brazil na magsikap, kasama ng Tsina para magkakasamang pasulungin ang paghupa ng alitan.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil