Nagpalitan ng pagbati, Lunes, Oktubre 23, 2023 sina Premyer Li Qiang ng Tsina at Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon, kaugnay ng Ika-45 Anibersaryo ng Kasunduan sa Kapayapaan at Pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Saad ni Li, 45 taon na ang nakakaraan, estratehikong nagpasiya ang mga dating lider at estadista ng dalawang bansa na lagdaan ang kasunduang ito.
Sa pormang pambatas, tiniyak ng kasunduan ang pangkalahatang direksyon ng mapayapang pakikipamuhayan at pagkakaibigan ng Tsina at Hapon sa hene-henerasyon, ipinagdiinan ang pagtutol sa hegemonismo, at nagsilbing mahalagang milestone sa proseso ng pag-unlad ng ugnayang Sino-Hapones.
Nitong nakalipas na 45 taon, natamo ng relasyong Sino-Hapones ang mga pag-unlad at bunga, nagbigay ng biyaya sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at gumawa ng positibong ambag para sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyon, maging ng buong mundo, dagdag ni Li.
Kasama ng panig Hapones, nakahanda aniya ang panig Tsino na muling basahin ang diwa ng nabanggit na kasunduan, igiit ang tumpak na direksyon ng pag-unlad ng relasyon Sino-Hapones, at magpunyagi para buuin ang relasyong angkop sa kahilingan ng makabagong panahon.
Inihayag naman ni Kishida na isinasabalikat ng Hapon at Tsina ang mahalagang pananagutan sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon at daigdig, at malaki ang potensyal ng kooperasyon sa malawak na larangan.
Importante ang komong sigasig ng kapuwa panig sa pagbuo ng konstruktibo at matatag na relasyong Hapones-Sino, aniya.
Inihayag din niya ang kahandaang magsikap ng panig Hapones upang pasulungin ang mas malaking progreso ng bilateral na relasyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio