Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo Lunes, Nobyembre 6, 2023 kay Anthony Albanese, dumadalaw na Punong Ministro ng Australia, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang malusog at matatag na relasyong Sino-Australian ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan, pati na rin sa komong hangarin ng mga bansa sa rehiyon.
Tinukoy niyang ang kasalukuyang taon ay ika-50 anibersaryo ng pagdalaw ni dating Punong Ministro Gough Whitlam ng Australia sa Tsina, at pinasimulan ngayon ang makabagong 50 taon ng bilateral na relasyon.
Dapat pasulungin ng kapuwa panig ang walang humpay na pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Australia, dagdag ni Xi.
Pinasalamatan naman ni Albanese ang mainitang pagtanggap ni Pangulong Xi.
Aniya, nitong nakalipas na 5 dekada, tinulungan ng Tsina ang milyung-milyong mamamayan na makahulagpos sa karalitaan, at ang ganitong dakilang tagumpay ay karapat-dapat na igalang at hangaan ng daigdig.
Tulad ng ibang bansa, interesadong interesado aniya ang Australia sa tuluy-tuloy at matatag na paglago ng kabuhayang Tsino, at nakinabang rin ng malaki ang kanyang bansa dito.
Saad ni Albanese, ang malakas na bilateral na relasyon ay tuluy-tuloy na makakapaghatid ng benepisyo sa kinabukasan ng dalawang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Ramil