Pormal na naisaoperasyon Lunes, Nobyembre 13, 2023 sa Tsinghua University, Beijing ang ultra-high-speed next-generation Internet backbone.
Pinag-uugnay ng nasabing mahigit 3,000 kilometro na Internet backbone ang tatlong lunsod na kinabibilangan ng Beijing, Wuhan at Guangzhou.
Isinalaysay ni Wu Jianping, Academician ng Chinese Academy of Engineering (CAE), na ito ang kauna-unahang ultra-high-speed next-generation Internet backbone na may bandwidth ng 1,200G bits bawat segundo (1.2T) sa daigdig.
Sapul nang sinimulan ang operasyon ng naturang Internet backbone noong Hulyo 31, 2023, matatag at mapagkakatiwalaan ang takbo nito, nakapasa ito sa iba’t ibang pagsubok at pagsusuri, at umabot sa nakadisenyong pamantayan, aniya.
Dagdag ni Wu, sa kasalukuyan, ang komersyalisasyon ng teknolohiya ng Internet backbone na may bandwidth ng 400G bits bawat segundo sa daigdig ay kasisimula pa lang.
Ang pagsasaoperasyon ng ultra-high-speed next-generation Internet backbone na may bandwidth ng 1,200G bits bawat segundo (1.2T) ay nangangahulugang umabot na sa antas ng T bit ang teknolohiya ng Internet backbone ng Tsina.
Salin: Vera
Pulido: Ramil