CMG Komentaryo: Plano ng Tsina sa isyu ng Palestina at Israel, bakit kinikilala ng komunidad ng daigdig?

2023-11-23 15:20:26  CMG
Share with:


"Palagiang patas at makatarungan ang tayo ng Tsina sa isyu ng Palestina’t Israel, at ito ay pinahahalagahan at hinahangaan ng iba’t-ibang bansang Arabe’t Islamiko. Malaki ang pag-asa ng maraming tao sa mas malaking positibong papel na gagampanan ng Tsina sa usaping ito."

 

Ganito ang komento ni Kamal Gaballa, isang kolumnista ng pahayagang Al-Ahram ng Ehipto, makaraang bigkasin ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang talumpati sa Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) Extraordinary Virtual Meeting kaugnay ng nasabing isyu.

 

Kahit malayo ang distansya sa Gitnang Silangan, ang Tsina ay hindi lamang isang miron sa mga suliranin ng Gitnang Silangan.

 

Patuloy na nagbabago ang mga patakaran ng Tsina sa Palestina’t Israel, pero hindi nagbabago ang nukleong kahulugan nito – pagsasagawa ng tigil-putukan, pagsusulong ng talastasang pangkapayapaan, at pagpapatupad ng “two-state solution.”

 

Bakit unibersal na kinikilala ng mga nagsasagupaang panig at komunidad ng daigdig ang paninindigan ng Tsina?

 

Dahil hangad ng Tsina ang kapayapaan, at tutol ito sa karahasan.

 

Di-tulad ng patakaran ng Amerika na may pinapanigan, nananatiling makatarungan ang mga pananalita at kilos ng Tsina, wala itong pansariling kapakanan, at hindi kumakampi kaninuman.

 

Naniniwala ang Tsina, na maisasakatuparan ng Palestina’t Israel ang tigil-putukan at mapayapang pakikipamuhayan.

 

Sapul noong Nobyembre 1, 2023, ang Tsina ang siyang tagapangulong bansa ng United Nations Security Council (UNSC), at sa pagpapasulong nito, pinagtibay nitong Nobyembre 15 ang Resolusyon Bilang 2712 kaugnay ng nasabing sagupaan.

 

Ito ang kauna-unahang pagkakataong pinagtibay ng UNSC ang kaukulang resolusyon sapul nang sumiklab ang kasalukuyang sagupaan ng Palestina’t Israel, at una ring resolusyong naipasa ng UNSC sa isyung ito nitong nakalipas na 7 taon.

 

Ayon sa mga tagapag-analisa, napakalaking sigasig ang ginawa ng Tsina para mapagtibay ang naturang resolusyon.

 

Ipinakikita nito ang responsibilidad at pananagutan ng isang malaking bansa, at muling nagpapatunay, na sa mula’t mula pa’y ang Tsina ay tagapagtatag ng kapayapaang pandaigdig at tagapagtanggol ng kaayusang pandaigdig.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio