Myanmar - Mula Nobyembre 23 hanggang 27, 2023, magkakasamang itinaguyod ng China Media Group (CMG), Pasuguan ng Tsina sa Myanmar, at China Cultural Center sa Yangon ang “Linggo ng mga Pelikulang Tsino sa 2023.”
Kaugnay nito, lahat ng mga pelikulang itinanghal ay isinalin at iniprodyus ng Asian and African Languages Programming Center ng CMG.
Layon nitong idispley ang kulturang Tsino at moda ng lipunang Tsino sa makabagong panahon sa mga mamamayan ng Myanmar, at pasulungin ang pagpapalitang kultural at ugnayang tao-sa-tao ng dalawang bansa.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng paglulunsad, inihayag ni U Maung Maung Ohn, Union Minister for Information ng Myanmar, na malalimang pinapasulong ngayon ng Tsina at Myanmar ang iba’t-ibang kooperasyon sa ilalim ng kooperasyon ng Belt and Road Initiative (BRI), at napapanahon ang pagtataguyod ng “Linggo ng mga Pelikulang Tsino sa 2023” sa ilalim ng ganitong kalagayan.
Aniya, malakas ang kooperasyon ng Pambansang Telebisyon ng Myanmar at CMG, at umaasa siyang patuloy na pabubutihin ng kapuwa panig ang pagpapalitan at pagtutulungan, pasusulungin ang pagkakaibigan at pagpapalitang di-pampamahalaan, at pag-iibayuhin ang pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan ng dalawang bansa.
Sa kanya namang talumpati, inihayag ni Zheng Zhihong, Minister-Counsellor ng Pasuguan ng Tsina sa Myanmar ang kahandaan ng panig Tsino na palalimin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungang tao-sa-tao sa Myanmar.
Salin: Vera
Pulido: Rhio