Ayon sa ulat, sa pagtatagpo kamakailan nina US Defense Secretary Lloyd Austin III at kanyang counterpart na si Gilbert Teodoro Jr. ng Pilipinas, binatikos ng dalawang opisyal ang mga operasyon ng pagpapatupad ng batas ng Tsina sa karagatan malapit sa Ren’ai Jiao sa South China Sea, at pinayuhan ng panig Amerikano ang panig Pilipino hinggil sa pagkukumpuni ng iligal na isinadsad na barkong pandigma ng Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinahayag Nobyembre 30, 2023, ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang Tsina ay mayroong hindi mapag-aalinlanganang soberanya sa Nansha Islands na kinabibilangan ng Ren’ai Jiao at mga katabing tubig nito.
Si Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina (file photo)
Pero aniya, iligal na isinadsad ng Pilipinas ang barkong pandigma sa Ren’ai Jiao at tinangka nitong palakasin sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga barko upang pumasok sa tubig ng Ren’ai Jiao. Ang naturang mga aksyong ito ay hindi lamang malubhang nakapinsala sa soberanya ng Tsina, kundi pati na rin sa pandaigdigang batas at Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, diin ni Wu.
Tinukoy ni Wu na ang isyu ng Ren’ai Jiao ay bilateral na isyu sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Ang Amerika aniya ay hindi kinauukulang panig at ang panghihimasok nito ay magpapalala lamang ng isyu.
Mariin din niyang kinondena ang maling aksyon ng kinauukulang bansa na pukawin ang komprontasyon at pahinain ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at hinimok ang kinauukulang bansa na maging maingat sa mga pananalita at gawa.
Isasagawa ng Tsina ang matatag at epektibong hakbangin para mapangalagaan ang soberanya, integridad ng teritoryo, at mga karapatan at interes sa maritime ng Tsina, dagdag ni Wu.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil